6 patay, 14 sugatan sa aksidente sa Sta. Rosa, Laguna

By Isa Avendaño-Umali, Rhommel Balasbas December 09, 2018 - 02:19 AM

Courtesy of Shelly Ann Isaga

(Updated as of 10:35pm) Anim ang nasawi habang 14 ang sugatan sa pag-araro ng isang 14-wheeler truck sa mga sasakyan at establisyimento sa Sta. Rosa, Laguna.

Partikular na nangyari ang trahedya sa bahagi ng Tagaytay Road sa Barangay Sto. Domingo Sabado ng gabi (December 8).

Sa unang impormasyon ay pito ang nasawi at nasa dalawampu ang sugatan.

Ayon kay Sta. Rosa Police Chief Supt. Eugene Orate, umabot sa 15 kotse, dalawang motorsiklo at dalawang tricycle ang sinagasaan ng truck na nawalan ng preno.

Hindi pa anya naging sapat ang impact ng pagragasa ng truck sa mga sasakyan kaya’t bumangga pa ito sa isang bakery at isang bahay.

Isa sa mga nasawi ay si Lorelyn Rosel Sumadsad na nasa loob ng tricycle at nakatakda sanang ipagdiwang ang kanyang kaarawan ng gabing iyon.

Patay din ang magkapatid na sina Jerome at Jayson Baluya na nasa bakery lamang nang mangyari ang insidente.

Binawian din ng buhay si Juvelyn Floresco Delizo, kanyang dalawang taong gulang na anak na si Ariane Kaye Yllera at isang taong gulang na pamangkin na si Quelah Ayesha Velasco.

Natutulog lamang ang mga biktima nang ragasain ng truck.

Lumalabas na nakatakas ang driver na nakilalang si Anthony Bernardo mula sa truck matapos salpukin ang mga sasakyan at mga establisyimyento sa lugar.

Patuloy na pinaghahanap ng mga pulis ang driver si Bernado at sasampahan ng mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries at damage to properties.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.