PNP, patuloy ang pagbantay kay Trillanes

Tinututukan na ng Philippine National Police (PNP) ang kinaroroonan ni Senador Antonio Trillanes IV habang hinihintay ang warrant of arrest laban dito.

Ito ay matapos ipag-utos ni Judge Melinda Alconel-Dayanghirang ng Davao City Regional Trial Court Branch 54 ang pag-aresto sa senador dahil sa kasong libel.

Sa isang panayam, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Guillermo Eleazar na posibleng matanggap ang kopya ng warrant of arrest laban sa senador ngayong weekend.

Aniya, ang pagtutok sa senador ang pinakamagandang gawin para oras na matanggap ng pulisya ang arrest warrant ay agad itong maipapaalam kay Trillanes.

Sinabi pa ng opisyal na nagpahayag naman si Trillanes na kusang loob itong susuko at dadaan sa mga proseso para humarap sa korte at magbayad ng piyansa tulad ng ginawa nito sa kaniyang kasong kudeta.

Hindi na rin aniya kailangang maghigpit ng seguridad sa Senado para sa naturang kaso.

Matatandaang nagsampa ng kasong libel si Presidential son Paolo Duterte laban kay Trillanes dahil alegasyong sangkot si Paolo sa bilyun-bilyong halaga ng drug smuggling at pangingikil mula sa Uber.

Aabot naman sa P24,000 ang halaga ng nakatakdang babayarang piyansa ni Trillanes.

Read more...