Nagpaalala sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) pagdating sa pagbili ng mga pangunahing produkto sa mga pamilihan.
Ito ay kasunod ng pagkamatay ng walong tricycle driver matapos uminom ng lambanog sa Sta. Rosa at Calamba, Laguna.
Sa isang forum sa Quezon City, sinabi ni Michelle Anne Lapuz, opisyal mula sa Legal Services Support Center ng FDA, dapat ugaliin ng mga konsyumer na bisitahin ang kanilang website para malaman ang mga FDA registered product.
Ang mga produkto kasing hindi rehistrado sa FDA ay posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mga konsyumer.
Ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, nakakaalarma ang naganap na pagkamatay ng mga biktima.
Katuwang aniya nila ang Department of Health (DOH) sa pag-aksyon sa naturang kaso.
Batay sa website ng ahensya, narito ang mga brand ng lambanog na rehistrado ng FDA:
– Philippine Firewater Lakan
– Supremo Philippine Firewater
– Philippine Firewater
– Supremo Philippine Firewater
– San Juan Ram-Ciel Lambanog
– San Juan Lambanog, at
– San Juan Premium Lambanog
Matatandaang lumabas sa pagsusuri ng FDA na mayroong mataas na methanol content ang ininom na lambanog ng mga tricycle driver kamakailan.