Malakas na lindol, posibleng tumama sa Davao-Phivolcs

By Jay Dones November 13, 2015 - 06:36 AM

1990baguioearthquake
FILE PHOTO

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa posibilidad na maganap ang isang malakas na lindol sa bahagi ng Davao matapos ang magnitude 4.7 quake na tumama kamakailan sa lugar.

Ayon kay Desiderio Cabanlit, senior analyst ng PhiVolcs Southern Mindanao, batay sa kanilang 2010 findings, may mga bagong crack na natagpuan sa baybayin ng Mati sa Davao Oriental at Surigao Del Sur na may kakayahang lumikha ng magnitude 8.3 na lakas ng lindol.

Nangyari na aniya ito sa Mati City at Monkayo sa Compostela Valley region noong 1924 at 1893.

Sa dalawang naturang lindol, daan-daang residente ang namatay batay sa kanilang nakalap na impormasyon.

Pinakahuling lindol aniya sa Monkayo ay naganap may 124 taon na ang nakalilipas na may lakas na magnitude 6 hanggang 9 sa ilang mga lugar.

Sa kasalukuyan aniya, kanila nang dino-dokumento ang mga lugar kung saan natagpuan ang mga bagong fault lines sa Davao region.

Sa Davao City, nakadiskubre na sila aniya ng tatlong fault lines ngunit kanila pa ito aniyang pinag-aaralan.

Matatandaang taong 2013 nang maganap ang isang magnitude 7.2 na lindol sa Cebu at Bohol na ikinamatay ng ilan daang mga residente at nakasira ng aabot sa 2 bilyong halaga ng imprastraktura sa dalawang lugar.

TAGS: Expert warns quake in Davao, Expert warns quake in Davao

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.