Kinilala ang mga naaresto na sina Binondo Revenue District Officer Bethsheba Bautista at examiner Rachel Villanueva na nadakip sa isang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti Corruption Commission at CIDG Major Crimes Investigation Unit (CIDG-MCIU).
Ayon sa PACC humihingi ang mga suspek ng P2 Million mula sa isang kumpanya para ayusin ang atraso nito sa buwis pero nasa P500,000 lamang ang ibabayad nito sa pamahalaan.
Hindi naman tinukoy ang kumpanya bagaman dalawang taon na umano itong ini-isyuhan ng tax liability.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica hirap mahuli ang mga tiwaling opisyal ng kawanihan dahil kadalasang ang karaniwang empleyado ang nakikipag-transaksyon sa kanilang mga kinikikilan.
Itinanggi naman ng mga naaresto ang paratang.