P30,000 kotong sa biktima ng tanim-bala

By Jay Dones November 13, 2015 - 04:46 AM

 

Mula sa Senate PRIB/Alex Nueva España

Umaabot umano sa halagang 30,000 piso ang hinihingi ng mga grupong sangkot sa tanim-bala scam sa Ninoy Aquino International Airport sa isang American Missionary para lamang palusutin sa kasong kanilang ibinabanta na isampa laban dito.

Ito ang isiniwalat ni Lane Michael White sa pagharap nito sa senate hearing sa isyu ng tanim-bala sa NAIA.

Sa pagbubunyag ni White at ng stepmother nitong si Eloisa Zoleta, Isang PNP Officer Junio umano ang nagsabi sa kanilang bayaran na lamang ang naturang halaga upang hindi na makarating pa sa police station ang insidente.

Nagbanta pa umano ang mga ito na tataas ang halaga ng hanggang 80,000 piso kung aabot pa sa pulisya ang kaso.

Gayunman, tumanggi silang aregluhin ang kaso.

Ganito rin ang sinabi ni White sa senate hearing na umano’y pahayag sa kanya ng isang Rolando Clarin na taga NAIA.

Nais din aniya ng mga pulis na aminin na lamang ni White na kanya ang bala at ginagamit lamang niya itong anting-anting upang mailusot ang insidente.

Bukod kay White, inimbitahan din sa pagdinig ang OFW na si Gloria Ortinez na nakitaan din ng bala sa kanyang bagahe.

Sa pahayag ni Ortinez, pinuwersa umano siyang pirmahan ang isang dokumento at pinagbantaang ipoposas sa oras na tumanggi ito.

Pilit din siya umanong pinaaamin na kanya ang balang natagpuan sa kanyang kagamitan ng mga airport personnel.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.