Bigo ang Department of Justice (DOJ) na agad makakuha ng hinihinging hold departure order laban kay Sen. Antonio Trillanes sa Davao City RTC.
Ayon kay Davao City chief prosecutor Nestor Ledesma, nagtakda muli ang hukom ng pagdinig sa mosyon ng DOJ sa December 11 para pakinggan ang panig ng senador.
Nais ng prosekusyon na pigilan ng korte si Trillanes na makalabas ng bansa dahil sa kinakaharap na libelo na isinampa ni Presidential son Paolo Duterte.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, karapatan ng senador ma marinig ng korte ang kanyang panig.
Samantala, wala pa rin inilalabas na precautionary hold departure order si Pasay City Executive Judge Divina Gracia Pelinyo laban sa planong pagbiyahe ng senador sa Europe sa Martes.
Ayon sa Pasay RTC Branch 231, may pinasusumite pa si Judge Pelinyo mula sa prosekusyon na requirement sa kanilang hinihiling na PHDO para sa iniimbestigahang reklamong inciting to sedition laban kay Trillanes.
Ang HDO ay maaring hilingin ng prosekusyon sa korte para pigilang makaalis ng bansa ang isang inirereklamo habang isinasailalim pa lang ito sa preliminary investigation.