Mga militanteng grupo nagbanta ng rally sa panahon ng APEC

By Jay Dones November 13, 2015 - 04:37 AM

 

Inquirer file photo

Ilang raw bago ipatupad ang matinding seguridad sa Metro Manila bago ang APEC summit sa bansa, inunahan na ng mga militanteng grupo ang paglulunsad ng kilos protesta sa harapan ng Chinese at Japanese Embassy kahapon.

Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan at League of Filipino Students ang protesta na layong igiit ang mariing pagkondena sa umano’y panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippines Sea.

Unang sinugod ng humigit-kumulang 100 raliyista ang embahada ng China sa Gil Puyat sa Makati City.

Bitbit ang mga placards na nagsasaad ng mga katagang “Atin ang Pilipinas, China Layas” at “China out of PH waters” isinigaw rin ng mga nagprotesta ang pagkontra sa umano’y pakikialam nito sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng bansa.

Sunod namang tinungo ng mga nagra-rally ang Japan Embassy sa Pasay City.

Dito, nagprotesta ang grupo ukol sa anila’y patuloy na military intervention ng Japan sa bansa kasama ang Estados Unidos na yumuyurak sa kasarinlan ng Pilipinas.

Paniniwala ng grupo, may kanya-kanyang agenda ang tatlong bansa at ginagamit lamang na mistulang piyesa sa isang chessboard ang Pilipinas.

Nangako rin ang Bayan at ang mga kaalyado nitong grupo na maglulunsad ng serye ng mga kilos-protesta sa panahong ginaganap ang APEC summit sa susunod na linggo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.