Sangkap at mga gamit sa paggawa ng shabu nakumpiska sa sinalakay na bahay sa Pasig

Shabu Laboratory sa San Juan | Kuha ni Jap Dayao

Aabot sa 30 kilo ng kemikal na ginagamit na sangkap sa paggawa ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa sinalakay na gusali sa Pasig City.

Armado ng search warrant ang mga pulis nang salakayin ang isang commercial building sa Sta. Rosa Street sa Barangay Kapitolyo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Capital Region Police Office chief, Police Dir. Guillermo Eleazar, ang operasyon sa Pasig ay bahagi ng serye ng ginagawang pagsalakay ng mga otoridad sa mga hinihinalang imbakan at gawaan ng shabu sa Metro Manila.

“Kahapon din nagsagawa ulit tayo ng implementation ng isang bahay, nag-raid tayo ng isang bahay sa Pasig connected din diyan. At we were able to recover essential materials o ingredients sa pagluluto o sa paggawa ng shabu. These are all connected which started last week during the arrest of a Korean drug personality na nakulong na rin po yun sa Manila City Jail at marunong magluto ng shabu na ito,” ayon kay Eleazar.

Ani Elezar ang bahay na sinalakay sa Pasig at kunektado sa naunang bahay na sinalakay naman sa North Greenhills sa San Juan na isa ring shabu laboratory.

Nakumpiska din sa Pasig City ang isang van na puno mga gamit, aparato at pitong packs ng ephedrine na kayang makagawa ng shabu na maibebenta ng P2 milyon.

“We recovered also a van full of equipment, apparatus, and at least seven packs of ephedrine na makakapag-produce ng at least P2 million worth of shabu doon sa street value niya, so tuluy-tuloy ito, bale apat o limang operations na yata ito,” dagdag pa ni Eleazar.

Read more...