Pangulong Aquino at President Xi, magkatabi sa APEC meeting

By Jay Dones November 13, 2015 - 04:32 AM

 

Mula sa inquirer.net

Malaki ang posibilidad na magtatabi sa upuan sa mga pagpupulong ng APEC Leaders Summit sina Pangulong Benigno Aquino III at si Chinese President Xi Jinping.

Ayon kay Director General Marciano Paynor Jr. ng APEC National Organizing Committee, iiral ang tinatawag na ‘troika’ sa mga pagpupulong ng 21-member economies .

Sa ilalim ng ‘troika’, uupo sa gitna ng meeting ang kasalukuyang host ng APEC at sa kanyang kaliwa at kanan naman pupuwesto ang host noong nakaraang taon at ang magiging host ng APEC summit sa susunod na taon.

Sa pagkakataong ito, si Pangulong Aquino aniya ang uupo sa gitna bilang kasalukuyang punong-abala ng summit.

Samantala, ang China naman ang nag-host ng APEC Leaders meeting noong nakaraang taon at ang Peru ang magiging venue ng pagpupulong sa 2016.

Ito aniya ang opisyal na seating arrangement sa tuwing ginaganap ang APEC sa mga bansang kasapi nito taun-taon.

Bagama’t wala rin aniyang opisyal na pahayag na magkakaroon ng bilateral meeting sa pagitan ng Pangulo at ni President Xi, normal naman aniyang magusap-usap ang mga ito sa kasagsagan ng summit sa PICC.

Matatandaang nagkalamat ang relasyon ng Pilipinas at China nang magsimulang angkinin ng China ang ilang bahura sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippines Sea.

Humantong na ang usapin sa paghahain ng Pilipinas ng reklamo sa arbitral tribunal ng United Nations sa Netherlands.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.