‘Consumer confidence’ bumulusok pa sa Q4 ng taon

By Rhommel Balasbas December 07, 2018 - 04:02 AM SHARE(S):

Dumausdos pa ang consumer confidence sa bansa sa 4th quarter ng 2018 ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang ‘consumer confidence’ ay isang palatandaang pang-ekonomiya na sumusukat sa antas ng pagiging positibo ng mga consumer sa lagay ng ekonomiya ng bansa at sa kanilang personal na sitwasyong pang-pinansyal.

Ayon sa resulta ng BSP Consumer Expectations Survey (CES) mula sa -7.1percent noong 3rd quarter, bumaba sa -22.5 percent ang consumers’ overall confidence index (CI).

Ito na ang pinakamababa na naitala simula 4th quarter ng taong 2014 ayon kay BSP Department of Economic Statistics head Redenter Paolo Alegre Jr.

Ayon kay Alegre, patunay ang negative index na mas marami ang mga pessimists o negatibo ang pananaw kumpara sa mga optimists o positibo ang pananaw ngayong 4th quarter.

Lumalabas sa CES survey na ang dahilan ng negatibong pananaw ng mga respondents ay dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod, tumaas na gastusin sa bahay, kawalan ng pagtaas sa sahod at dumaraming bilang ng walang trabaho.

Iginiit naman ni BSP Deputy General Diwa Guinigundo na maaaring ang resulta ng survey ay hindi na sumasalamin sa pananaw ng publiko ngayon lalo’t ginawa ito noon pang October 1 hanggang 13.

Anya, marami ng positibong pagbabago ang naganap sa kasalukuyan tulad ng pagbagal ng inflation at paglakas ng piso.

TAGS: BUsiness, BUsiness

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.