Sison itinangging maglulunsad ang NPA ng pag-atake sa anibersaryo

Itinanggi ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison ang mga babala ng pamahalaan na maglulunsad umano ng mga pag-atake ang New Poeple’s Army (NPA) kasabay ng kanilang pagdiriwang ng kanilang ika-50 anibersaryo.

Sa isang panayam, sinabi ni Sison na sumusunod ang kanilang armed wing na NPA sa utos ng CPP.

Kaya naman kung ipag-uutos ng CPP na magkakaroon ng ceasefire ngayong Kapaskuhan, maging sa kanilang anibersaryo, ay hindi maglulunsad ng anumang opensiba ang NPA.

Ani Sison, lagi na lang sinasabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na dapat maging alerto ang publiko dahil sa mga pag-atake ng NPA bilang paraan ng pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.

Paratang nito, gusto lamang ng pwersa ng gobyerno na maglunsad ng pag-atake laban sa NPA na magreresulta sa pagsasagawa ng active defense at counter-offense ng kanilang hanay.

Nauna nang ipinag-utos ni Sison ang taunang Yuletide unilateral ceasefire, habang hindi pa nakakapagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung magkakaroon ng holiday truce sa mga komunista.

Ngunit nagpahayag na si AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo na hindi niya gustong magkaroon ng ceasefire sa kanilang hanay dahil magsisilbi lamang umano itong oportunidad sa NPA.

Sa December 26 ipagdiriwang ng komunistang grupo ang kanilang ika-50 anibersaryo.

Read more...