Panelo: Panibagong banat ni Duterte sa mga obispo “hyperbole” lang

Inquirer file photo

Isang hyperbole o eksaherasyon lamang ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga obispong walang silbi, kritikal at panay banat lamang sa kanyang administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginamit lamang ng pangulo ang mga naturang pahayag kagabi para sa dramatic effect.

“I think that’s only a hyperbole on the part of the President. We should be getting used to this president. He makes certain statements for dramatic effect. But he actually means stop criticizing and do some good for this country. Help us”, paliwanag ni Panelo.

Masyado na kasi aniyang dismayado ang pangulo dahil bagaman marami nang ginagawang mabuti para sa bansa, tuloy pa rin ang mga pagbatikos ng mga kagawad ng simbahang katolika.

Sa halip kasi aniya na bumatikos, mas makabubuti kung tumulong na lamang ang simbahang katolika na tugunan ang mga problema ng bayan.

Maari aniyang ang pahayag kagabi ng pangulo na patayin ang mga obispo ay “to kill with kindness”.

Dapat na rin aniyang masanay ang publiko sa mga biro ng pangulo.

Nanindigan din si Panelo na may sapat na basehan ang pangulo nang sabihin na ipokritong institusyon ang simbahang katolika at 90 percent ng mga pari ay mga bakla.

Mayroon kasi aniyang personal na karanasan ang pangulo nang mabiktima ng sexual harassment ng pari noong nag aaral pa sa Ateneo De Davao.

Read more...