Oposisyon sa Kamara planong kausapin si Budget Sec. Diokno kaugnay sa pagpapatupad ng excise tax at VAT fuel
Makikipag-usap ang ilang kongresista na taga-oposisyon kay Budget Sec. Benjamin Diokno upang idulog kung kakailanganin pa rin bang magtaas ng excise tax at VAT sa fuel kung makakakolekta na ng malaking revenue sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means kaugnay sa panukala na suspensyon ng excise tax sa fuel, hindi makapaniwala si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na sinagot siya na kailangan pa rin na patawan ng excise tax ang mga produktong petrolyo kahit pa nakakolekta na ng sapat na revenue mula sa Customs at BIR.
Aabot sa P81 Billion ang makukulektang kita ng pamahalaan mula sa excise tax sa fuel sa loob ng anim na buwan at P162 Billion sa isang taon.
Giit ni Teves, kaya nga nagpapataw ng excise tax sa fuel ngayon ay dahil kulang ang nakukulektang kita ng pamahalaan mula sa Customs at BIR.
Hindi aniya dapat ipinapasa sa publiko ang kakulangan sa koleksyon ng gobyerno kundi dapat ay tinatarget dito ang mga tax evaders at smugglers.
Samantala, nanindigan naman ang minorya sa kanilang posisyon na hindi dapat magtaas ng buwis kung masama ang lagay ng ekonomiya.
Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, kung patuloy na gagawin ito ng gobyerno ay magreresulta ito sa inflation tulad ng nangyayari ngayon, kawalan ng trabaho, pagbaba ng mga mamumuhunan sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.