Mga opisyal ng MIAA at OTS sinabon ng mga Senador dahil sa tanim-bala sa NAIA
Sinabon ng mga Senador ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority at Office for Transportation Security (OTS) matapos magturuan kung nasaan ang kopya ng CCTV footage ng mga X-Ray machines ng NAIA.
Sa joint hearing ng Senate Committee on Public Services at Blue Ribbon Committee, hinanap ni Senador TG Guingona ang CCTV footage nang masabat ang Amerikanong si Lane Michael White noong September 13 dahil raw sa padadala ng bala.
Ang naturang footage ay nauna nang hiningi ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kanilang independent investigation.
Pero sinabi ni OTS Administrator Rolando Recomono na hawak raw ito ng MIAA na itinanggi naman ni General Manager Jose Angel Honrado.
Ayon kay Guingona, malinaw na may kapalpakan sa sistema sa NAIA kaya nagsasamantala ang mga tiwaling opisyal at empleyado nito.
Nasabon din ni Senador Bongbong Marcos si Honrado nang kwestyunin kung may alam ba ito sa nangyayaring tanim-bala operations.
Sabi ni Honrado, huli na nang malaman niya ang mga impormasyon dahil wala raw syang direct command and control sa dalawampu’t dalawang ahensya na nakatalaga sa paliparan.
Wala ring alam si Honrado kung ilan talaga ang tauhan ng NAIA at gaano karami ang nakakalat na CCTV sa kabuuan ng paliparan.
Katwiran ni Honrado, ang trabaho lang niya bilang MIAA General Manager ay tiyakin ang smooth flow sa operasyon ng paliparan.
Sabi tuloy ni Marcos, kung may terorista na papasok sa pilipinas habang may ginaganap ang APEC summit ay baka raw hindi rin ito malalaman ni Honrado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.