Sinampahan sa Sandiganbayan ng kasong katiwalian ang negosyanteng si Cedric Lee dahil sa umano’y hindi natuloy na konstruksyon ng isang palengke sa Mariveles, Bataan noong 2005.
Bukod kay Lee, kasama din sa kinasuhan ng Malversation at paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act si dating Mariveles Mayor Angel Peliglorio Jr.
Nabatid na noong 2005, kinontrata ni Mayor Peliglorio ang kumpanyang pag-aari ni Lee na Izumo Contractors Inc. para sa konstruksyon ng Mariveles Public Market na nagkakahalaga ng 14 million pesos.
Ngunit ayon sa Ombudsman, sa kabila nang pagbibigay ni Peliglorio ng downpayment sa kumpanya ni Lee, hindi nasimulan ang proyekto.
Lumalabas din sa imbestigasyon na ang pagbabayad ng downpayment ay ginawa ng walang Guarantee of Performance na isang paglabag sa alintuntunin ng Commission on Audit (COA).
Magugunita na Enero ng nakaraang taon nang masangkot sa kontrobersiya si Lee at mga kaibigan nito nang maakusahang nanggulpi sa actor-comedian na si Vhong Navarro dahil naman sa actress-model na si Deniece Cornejo. / Jan Esosio