VP Robredo, pinuna ang Kamara sa pagpasa sa ikalawang pagbasa sa draft federal charter

By Isa Umali December 05, 2018 - 12:37 PM

Sa pagpasa sa House Resolution sa Charter-Change o Cha-Cha, malinaw na usap-politika ang mas mahalaga para sa liderato ng Kamara.

‘Yan ang reaskyon ni Vice President Leni Robredo makaraang aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa sa panukalang draft federal charter na isinusulong ng Duterte administration.

Sa isang statement, sinabi ni Robredo na mag-iisang taon mula nang maipasa ang TRAIN Law, tumaas ang presyo ng mga bilihin at bumigat ang pasanin ng mga Pilipino.

Pero imbes na maghain ng mga solusyon sa mga problemang dulot ng naturang batas, ang inatupag ay ang Cha-Cha.

Ayon kay Robredo, dapat tutukan ng Kongreso ay ang mga panukalang magpapababa sa presyo ng mga bilihin at magbibigay sa mga Pilipino ng trabaho.

Giit ng pangalawang pangulo, unahin dapat ang mga mamamayan at mga alalahaning pinakamalapit sa kanilang bituka at pamumuhay, kaysa sa pamumulitika.

Sa kaniya umanong pag-iikot, iisa ang hinaing ng mga tao, ang pagtaas ng mga bilihin. At umaasa sila ng aksyon ng gobyerno.

Ngunit sa halip, ang nangyari ay delayed ang ayuda para sa mahihirap, binawi pa ang suspensyon ng fuel excise tax sa January 2019, at ngayon ay pinagpipilitan ang pagbago sa sistema ng pamahalaan tungo sa pederalismo.

TAGS: Cha-Cha, Draft federal charter, Vice President Leni Robredo, Cha-Cha, Draft federal charter, Vice President Leni Robredo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.