Human Rights Defenders Bill lusot na sa komite sa Kamara
Lusot na sa House Committee on Human Rights ang panukala na layong mabilis na mabigyan ng aksyon ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim ng panukalang Human Rights Defenders Bill, inoobliga ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na aksyunan sa loob lamang ng tatlong araw ang mga reklamo ng human rights violation.
Inilatag din sa panukala ang mga karapatan na ibinibigay sa mga tinaguriang human rights defenders gayundin ang pagprotekta sa kanila mula sa karahasan, pagbabanta, paghihiganti, diskriminasyon o kahit anong uri ng pressure.
“Very timely” naman para sa Makabayan bloc na pangunahing may-akda ng panukala ang pagpapasa nito lalo’t nakaranas ng harassment mula sa gobyerno ang mga human rights defender na sina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at teachers advocate ACT Teachers Rep. France Castro.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, makasaysayan ang pagpapasa sa komite ng human rights defenders bill na simula 2007 pa niya isinusulong.
Umaasa si Zarate na sa oras na maisabatas ito ay matutulungan nito na maprotektahan ang karapatan at buhay ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.