Hinamon ng change.org si bagong Canadian Prime Minister Justin Trudeau na ibalik sa kanilang bansa ang halos ay 2,400 tonelada ng basura na kanilang itinambak sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng online petition, target ng change.org na makakuha ng 50,000 likes at pirma para mapwersa ang pamahalaan ng Canada na kunin ang mga basurang nakatambak ngayon sa isang dumpsite sa lalawigan ng Tarlac.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 39,600 signatures at likes ang nakuha ng nasabing samahan.
Nauna dito ay kaliwa’t kanang mga protesta ang ipinarating sa pamahalaan subalit nananatiling tahimik ang administrasyon hingil sa nasabing isyu.
Ang nasabing mga basura na nakalagay sa 98 container vans ay naglalaman ng mga gamit na diapers, food wastes at iba pang uri ng mga basura.
Pati ang Department of Health ay nagsabi na masama sa kalusugan ng publiko ang nasabing mga basura na sinasabing inimport naman ng isang kumpanya na naka-base sa Valenzuela City.
Umaasa ang change.org na hindi mababalewala ang kanilang petisyon sa pamamagitan ng pagtugon ng bagong pinuno ng Canada na nakatakdang dumating sa bansa para dumalo sa APEC leaders’ meeting na gaganapin sa susunod na linggo.