2nd round ng excise tax sa petrolyo sa 2019 inaprubahan ng pangulo
Inanunsyo ng Malacañang na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng mga economic managers ng gobyerno para sa second round ng dagdag na excise tax sa produktong petrolyo sa pagpasok ng 2019.
Sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno na ipinaliwanag nila sa pangulo ang kahalagahan ng pagpapatupad ng dagdag na fuel excise tax para sa mga proyekto ng pamahalaan.
Nauna dito ay sinabi ng pangulo na makikinig siya sa kanyang mga miyembro ng gabinete hingil sa nasabing isyu sa gitna ng patuloy na pagbaba sa presyo ng petrolyo sa world market.
Base sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, dagdag na P2.24 bawat litro ang kailangang ipataw sa presyo ng diesel at gasolina sa simula ng taong 2019.
Umaabot sa P2 dito ang mapupunta sa excise tax samantalang 24-centavo naman ang sa value added tax (VAT).
Kanina ay sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na magiging minimal lamang ang epekto nito sa sambayanan dahil sa nakikita nilang pagbaba pa ng presyo ng petrolyo sa world market hanggang sa sa susunod na taon.
Inihalimbawa ng kalihim ang napipintong pagkalas ng Qatar sa Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na siyang magtutulak sa nasabing bansa para mag-produce ng mas marami pang fuel products dahil sa pag-aalis ng limit sa kanilang hanay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.