Naniniwala ang Department of Energy (DOE) na bubulusok pa sa mga susunod na araw ang presyo ng petrolyo sa world market.
Ito ang siyang dahilan kung bakit dapat lang na isulong ang second round ng excise tax para sa oil products na bahagi pa rin ng pagpapatupad ng Train law.
Ipinaliwanag ni Energy Sec. Alfonso Cusi na pababa pa rin ang trend sa ngayon ng oil products partikular na ng Dubai crude at posibleng umabot ito nang hanggang sa $50 per barrel.
Sa ginanap na Energy Investment Forum sa Taguig City, sinabi ni Cusi na kumpleto ang kanilang mga hawak na data na magpapatunay sa nasabing trend.
Sinabi pa ng opisyal na kayang-kayang pasanin ng sambayanan ang epekto ng dagdag na excise tax sa petrolyo dahil sa mababang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Noong nakalipas na linggo ay sinabi ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kanilang irerekomenda sa gaganaping cabinet meeting ngayong araw na ituloy na ang ikalawang bahagi ng dagdag na excise tax sa susunod na taon.
Popondohan nito ang mga infrastructure projects ng pamahalaan na bahagi ng Buil Build Build project.
Samantala, sinabi ni Cusi na kakalas na sa Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang Qatar dahilan para magdagdag ito ng produksyon na magreresulta sa pagbaba sa halaga ng oil products.
Kapag ipinatupad ang ikalawang bahaging Trail law ay mangangahulugan ito ng dagdag na P2.00 sa presyo ng diesel samantalang P9.00 naman sa kada litro ng gasolina.
Bilang bahagi ng safety net, kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude ay pansamantalang ititigil ang paniningil ng dagdag na excise tax.