Lumagda sa isang kasunduan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at ang Radyo Inquirer para sa partnership sa paghahatid ng serbisyo at impormasyon sa publiko sa kampanya hinggil sa “Matalinong Panonood”.
Sa ilalim ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOU) ang programang “MTRCB Uncut sa Radyo Inquirer 990” ay linggo-linggong mapapakinggan tuwing Lunes alas 2:00 hanggang alas 3:00 ng hapon. Nagsimulang umere ang programa noong October 12.
Ang nasabing kasunduan ay nilagdaan nina MTRCB Chairman Eugenio ‘Toto’ Villareal at Radyo Inquirer Station Manager Jake Maderazo.
Ayon kay Villareal, karangalan sa panig ng ahensya ang maging kaisa sa serbisyo publiko ng Radyo Inquirer. “It is our privilege to have this collaboration with one of the foremost media entities in the country,” sinabi ni Villareal.
Sinabi ni Villareal na ‘useless’ ang ratings at classification system ng MTRCB kung hindi ito lubos na maipauunawa sa publiko. Ang MTRCB Uncut sa Radyo Inquirer 990 aniya ang isa sa pinaka-epektibong pamamaraan upang maibahagi sa publiko ang mga impormasyon.
Maliban sa mapapakinggan sa 990khz sa AM band, mapapanood din ang programa sa webstreaming sa radyo.inquirer.net.
Ayon naman kay Maderazo, malaking tulong ang programa para magbigyan ng kaalaman ang publiko sa kahalagahan ng gabay na ibinibigay ng MRTCB sa bawat pamilya.
Sinabi ni Villareal na kabilang sa mga tinatalakay sa programa ang age-appropriate entertainment at audience-sensitivity.
Ipinagbibigay-alam din aniya ng programa sa publiko ang mga aktibidad ng MTRCB.
Isa rin sa mahalagang bahagi ng programa ang paglalahad ng mga bagong pelikula at TV programs na nabigyan ng ratings ng MTRCB board, kabilang na ang pagpapaliwanag ng mga dahilan sa likod ng ipinagkaloob na ratings.
Dumalo din sa ceremonial signing ng MOU sina MTRCB Executive Director Atty. Ann Marie Nemenzo at Board Members Atty. Gabriela Roldan-Concepcion, Atty. Noel del Prado, at Mario Hernando.