Ayon kay Atty. Rico Paolo Quicho, ‘vindicated’ ang nakababatang Binay nang sabihin ng Korte Suprema sa desisyon nito na hindi nagkaroon ng pag-abuso sa panig ng Court of Appeals nang pigilan nito ang Office of the Ombudsman na ipatupad ang suspensyon.
Noon pa man sinabi ni Quicho na ang posisyon nila ay wala talagang basehan at hindi naaayon sa batas ang suspensyon ng Ombudsman kay Binay. “Moral victory ito para kay Mayor Junjun, ang korte suprema pinag-aralan talaga itong kaso. Vindicated kami kasi ang position namin walang basehan at hindi naaayon sa batas ang suspension kay Mayor Junjun,” ayon kay Quicho.
Samantala, hindi naman makapagbigay pa ng panig ang kampo ni Binay sa bahagi ng desisyon ng korte suprema kaugnay sa abandonment ng condonation doctrine.
Ayon kay Quicho, hindi pa sila nakatatanggap ng kabuuang kopya ng desisyon ng mataas na hukuman.
Nais muna ni Quicho na mapag-aralan ng husto ang desisyon bago ilahad ang kanilang komento.