Pagpapataw ng karagdagang fuel excise tax sa 2019 tatalakayin ng pangulo sa Gabinete

Kokonsultahin muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang Gabinete bago maglabas ng desisyon kung itutuloy ba o hindi ang nakatakdang pagpapataw ng karagdagang excise tax para sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.

Sa panayam ng mga media noong Lunes, sinabi ng panguno na isa sa mga agenda ng Cabinet meeting ngayong araw ang tungkol sa naturang usapin.

Aniya, kailangang magkaroon ng consensus ang Gabinete dahil malaki ang magiging epekto ng dagdag na excise task sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Samantala, bagaman planong pag-usapan ang tungkol sa dagdag na excise tax sa Cabinet meeting, sinabi ng punong ehekutibo na hindi ito nangangahulugang magkakaroon na ng desisyon ukol dito.

Matatandaang nauna nang inirekomenda ng economic managers ng pangulo ang suspensyon ng fuel excise tax sa 2019, ngunit makalipas ang magkakasunod na linggong rollback sa presyo ng produktong petrolyo, kumambyo ang mga ito at sinabing maaari nang ituloy ang implementasyon gaya ng nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Read more...