Lapeña hindi sasampahan ng kaso dahil sa shabu smuggling — Gordon

By Justinne Punsalang December 04, 2018 - 03:21 AM

Hindi irerekomenda ni Senador Richard Gordon na sampahan ng kasong kriminal si dating Bureau of Customs (BOC) chief Isidro Lapeña kaugnay sa pagkakapuslit ng P6.8 bilyong shabu shipment.

Sa pagtatapos ng hearing ng Senate blue ribbon committee kaugnay sa naturang isyu ay sinabi ni Gordon na sa tingin niya ay hindi sangkot at walang kinalaman tungkol sa shabu smuggling ang dating pinuno ng Customs.

Ngunit ayon sa senador, irerekomenda niya ang pagsasampa ng kaso laban kina dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) deputy chief Ismael Fajardo at natanggal sa serbisyong si Police Senior Superintendent Eduardo Acierto.

Maging ang consignee ng kargamento na SMYD Trading na pag-aari ni Marina Signapan ay pakakasuhan rin.

Samantala, magiging state witness naman si dating Customs intelligence officer Jimmy Guban kaya bagaman umamin itong may kinalaman sa shabu shipment ay hindi na ito makakasauhan.

Dagdag pa ni Gordon, maging si Police Inspector Lito Pirote ay irerekomenda niyang makasuhan dahil sa pagbibigay umano ng P300,000 kay Guban upang pagtakpan ang SMYD Trading.

Aniya pa, bagaman dapat matanggal sa trabaho ang iba pang mga opisyal sa BOC na nagpabaya sa kargamento, ay hahayaan na niyang si BOC chief Rey Leonardo Guerrero ang magdesisyon ukol dito.

Mananatili naman sa kustodiya ng Senado sina Emily Liquingan at Marina Signapan hangga’t hindi sila nakakapagbigay ng kanilang mga affidavit.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.