Clearing operations sa Mabuhay lanes tuloy ngayong araw
Hindi bababa sa apat na sasakyan ang nahatak ng mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatuloy ng clearing operations sa mga kalsadang sakop ng Mabuhay Lanes.
Tatlo sa apat na sasakyan na nahatak ng team na nagsasagawa ng clearing operations ay sa bahagi ng Mayon Street sa Quezon City.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na dinaanan ng mga tauhan ng MMDA at HPG ang lugar ngayong linggong ito, pero laging nadadatnan ang mga sasakyang nakaparada sa kalsada.
Dahil dito, hindi na pinagbigyan ang pakiusap ng mga may-ari ng sasakyan at tuluyan nang hinatak ng tow truck ang mga nakaparada ng illegal.
Mayroon ding 5 motorsiklo ang naikarga sa truck dahil nakaparada din sa kalsada.
Magugunitang kahapon, nabahiran ng karahasan ang isinasagawang clearing operations sa Mabuhay Lanes matapos na barilin at mapatay ang isang tauhan ng Department Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City.
Isasakay kasi sa truck ang motorsiklo na nakaparada sa bahagi ng West Avenue kanto ng EDSA. Nagalit naman ang security guard ng isang banko na nagmamay-ari sa nasabing motorsiklo at binaril ang enforcer ng DPOS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.