Panukala kontra ‘5-6’ inihihirit ng DTI sa mga senador

Hiniling ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa mga senador ang pag-aruba sa Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) Program.

Malaki ang maitutulong ng programa, ayon kay Lopez, sa mga maliliit na negosyo dahil maiiwas na sila sa pag-utang, partikular na sa ‘5-6,’ na may malalaking interes.

Aniya sa ngayon ay may P1 bilyon pondo ang programa, ngunit kapag nagkaroon na ng batas ukol dito ang pondo ay lolobo sa P4 bilyon at magpapatuloy ito kahit matapos na ang termino ng administrasyong-Duterte.

Katuwiran ng kalihim kapag lumaki ang pondo mas maraming micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang matutulungan ng gobyerno.

Nitong Nobyembre, banggit pa ni Lopez, nakapagpalabas na sila ng P1.7 bilyon para sa 52,000 maliliit na negosyo sa 79 probinsiya sa bansa.

Nakalusot na sa Mababang Kapulungan ang panukala para sa P3 Program at ang katulad na panukala nito sa Senado na iniakda ni Sen. Koko Pimentel ay nasa second reading pa lang.

Read more...