Tweet ni Sec. Locsin hinggil sa pag-aresto kay Satur Ocampo, personal niyang opinyon ayon sa Malakanyang

By Chona Yu December 03, 2018 - 09:56 AM

Dumistansya ang Malakanyang sa naging pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na “bullshit” o katarantaduhan lamang ang ginawang pag-aresto ng PNP sa grupo ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo sa Davao Del Norte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, personal na opinyon lamang ito ni Locsin at hindi sumasalamin sa opisyal na pananaw ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi pa ni Panelo na maaring ang pinanggalingan ng pahayag ni Locsin ay pagsuporta dahil sa dati silang magkasama ni Ocampo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Si Ocampo ay dating kinatawan ng militanteng grupong Bayan Muna habang si Locsin ay dating kinatawan ng Makati City.

Pero ayon kay Panelo ang pagkakaibigan ng dalawa ay hindi maaring magbunga ng konklusyon na ang isang taong nasampahan ng krimen ay maituturing nang inosente o hindi.

Payo pa ni Panelo sa lahat, maghinay-hinay sa pagbibigay ng mga haka-haka, konklusyon sa kaso ni Ocampo at mas makabubuting hayaan na gumulong ang proseso sa hudikatura.

Nabigyan naman aniya ng due process ang grupo ni Ocampo. Halimwaba na lamang aniya ang pagpayag ng korte na makapagpiyansa sa kaso para makapaghanda ng kanilang depensa.

TAGS: Department of Foreign Affairs, Radyo Inquirer, satur ocampo, Department of Foreign Affairs, Radyo Inquirer, satur ocampo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.