STL operator sa Quezon, itinangging dinadaya nila ang PCSO

By Kathleen Betina Aenlle November 12, 2015 - 06:17 AM

stlWalang basehan at hindi makatarungan.

Ito ang depensa ni Jose Gonzales, operations manager ng Pirouette Corp. na isang lisensyadong Small Town Lottery operator sa probinsya ng Quezon laban sa report ng National Bureau of Investigation (NBI).

Base kasi sa nasabing report, isa sila sa mga hindi tapat na nagbibigay ng kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Iginiit ni Gonzales na tapat silang nagbabayad ng mga karampatang buwis sa pamahalaan, at handa silang humarap sa anumang imbestigasyon para malinaw ang nasabing isyu.

Lehitimo aniya ang operasyon ng Pirouette at lagi silang sumasailalim sa mga eksaminasyon ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng PCSO at ng Commission on Audit (COA).

Ibinatay ng NBI ang kanilang report sa isinagawang imbestigasyon sa mga piling operasyon ng STL sa mga probinsya ng Bulacan, Zambales, Olongapo, Laguna, Batangas, Nueva Ecija at Quezon.

Ayon dito, naloloko ng mga STL operators ang pamahalaan sa pamamagitan ng hindi pagdedeklara ng tamang kita na aabot sa P50 bilyon kada taon.

Samantala, ayon sa pinuno ng PCSO-Quezon na si Lady Elaine Gatdula, walang record ng anumang iligal na gawain ang Pirouette sa kanilang operasyon.

Sa katunayan aniya, nalalampasan pa nito ang target na kita.

Pinabulaanan rin ni Gatdula ang sinabi ng NBI sa kanilang report na hindi nababantayang maigi ang mga STL draws, dahil nakatitiyak sila na lagi silang mayroong kinatawan sa tuwing isinasagawa ang mga ito.

Tatlong beses sa isang araw pa umano ginagawa ang STL draws sa opisina ng Pirouette na bukas sa publiko.

Dagdag ni Gonzales, isa pa nga sila sa mga lehitimong STL operators na naghihinaing dahil sa pagkalugi nila sa mga iligal na STL “bookies” mga gambling operators.

Kinumpirma naman ni Gatdula ang nabanggit na kaganapan ni Gonzales at ito aniya ang dahilan kung bakit umaapela sila ng tulong mula sa mga pulis para masugpo ang mga ito.

Ayon naman sa hepe ng Quezon police na si Senior Supt. Ronaldo Genaro Ylagan, nagsasagawa na sila ng tuluy-tuloy na mga operasyon laban sa mga iligal na bookies.

TAGS: SmallTownLottery, SmallTownLottery

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.