Ang mga rally ay bunsod ng pagtaas ng fuel taxes at living costs, at inaalmahan din ang pamumuno ni President Emmanuel Macron.
Lalong tumindi at naging marahas ang mga protesta dahil may mga naitala nang panununog. May mga naitala na ring sugatan mula sa panig ng mga demonstrador at mga pulis.
Ang mga riot police ay gumamit na ng tear gas, stun grenades at water cannon laban sa mga nagpo-protesta.
Batay sa huling bilang ng mga otoridad, humigit kumulang 180 na ang naaresto.
Inabot na ang yellow vest rallies ng dalawang linggo at may mga kalsadang isinara.
Maraming establisimyento rin ang pansamantalang nagsara dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan.
Sa unang linggo ng protesta, mahigit sa dalawang daang libo ang nakibahago sa buong France, na itinuturing na malaking hamon sa leadership ni Macron.