Gagawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Quezon Service Cross award si dating Senador Miriam Defensor-Santiago.
Sa abiso ng ipinadala ng Malakanyang sa media, ang seremonya ay magaganap sa Malakanyang sa December 3.
Sa sandaling maigawad ang pagkilala, si Santiago ang magiging kauna-unahang babaeng recipient ng highest civilian service award sa Pilipinas.
Bahagi ng requirement para magawaran ng nasabing pagkilala ang aprroval ng Kongreso.
Dahil dito, noong nakaraang taon ay isinumite ni Pangulong Duterte ang pangalan ni Santiago sa Kamara para sa nominasyon.
Sa kaniyang liham sa Kongreso sinabi ng pangulo na habang nabubuhay ay ginamit ni Santiago ang kaniyang talento para magserbisyo sa taumbayan at sa bansa.
Dec. 11, 2017 nang aprubahan ito ng Senado at Kamara naman ay February 20, 2018.
Bago si Santiago, limang Pinoy na ang tumanggap ng naturang pagkilala simula ito ay likhain noong 1946 bilang pag-alala kay dating Pangulong Manuel Quezon.
Kabilang sa mga nagawaran na ng Quezon Service Cross posthumous award ay sina dating Interior Secretary Jesse Robredo, dating Senator Benigno Aquino Jr. at dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Habang sina dating Pangulong Emilio Aguinaldo at dating UN General Assembly President Carlos Romulo ay tinanggap ang pagkilala noong sila ay nabubuhay pa.