Pagpatay sa anti-dynasty advocate, kahina-hinala
Nag-iwan ng malaking tanong ang pagkakamatay ng anti-dynasty at anti-PDAF advocate na si Quintin “Tingting” Paredes San Diego.
Naganap ang pagpatay sa kaniya noong November 7 sa resort na kaniyang pag-aari sa Barangay Caragsacan, Dingalan, Aurora.
Dead on the spot si San Diego makaraang magtamo ng maraming tama ng 9-mm na bala sa kaniyang ulo.
Hindi pa natutukoy ng mga pulis ang tunay na motibo sa pagpatay kay San Diego ngunit ayon kay Central Luzon police director Chief Supt. Rudy Lacadin, mayroon na silang dalawang hinihinalang anggulo.
Ayon kay Lacadin, maaaring may kinalaman ang pagkamatay ni San Diego sa agawan sa lupa sa Nueva Ecija at maaari din namang ito ay dahil sa pagtanggi niyang magbayad ng revolutionary tax sa mga komunistang New People’s Army.
Marami umano kasing ari-arian si San Diego, kabilang na ang isang farm sa Bongabon, Nueva Ecija at ang resort sa Aurora kung saan siya pinaslang.
Ani Lacadin, mayroon nang special investigation task group na bumubusisi sa kaso na nakatuon sa anggulong may kinalaman sa mga ari-arian.
Ayon din aniya sa mga caretakers ni San Diego, mayroon talagang sinisingil na revolutionary tax ang mga rebelde sa biktima.
Dumating ang mga suspek sa resort ni San Diego ganap na 3:30 ng hapon at nagpanggap na mga customer para kunwari magtanong ng mga presyo sa pasilidad ng resort.
Pagkatapos umanong pulungin ni San Diego ang kaniyang mga tauhan, doon na siya nilapitan at pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan.
Kahapon, araw ng Miyerkules, ang paglabas ng facial composite sketch ng suspek ayon kay Lacadin.
Samantala, hindi naman isinasantabi ni Lacadin ang iba pang posibleng motibo sa pagpatay kay San Diego dahil hindi pa naman nila nakakausap ang pamilya ng biktima sa Quezon City.
Gayunman, hindi masyadong kumbinsido si Lacadin na may kinalaman ito sa kaniyang mga kampanya laban sa political dynasties.
Si San Diego ang founding chair ng Movement Against Dynasties (MAD) at isa sa mga nagpasimuno ng Million People’s March noong August 2013 na nanawagang i-abolish ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Matatandaang idineklara na ng Korte Suprema ang PDAF bilang unconstitutional noon pang November 2013.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.