Matapos ang serye ng rollback, 2nd tranche ng excise tax sa produktong petrolyo itutuloy na sa 2019

Inquirer file photo

Binawi na ng economic managers ng pamahalaan ang plano nilang suspindihin ang pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng excise tax sa langis sa susunod na taon.

Ito ay matapos ang ilang sunod na linggo nang pagkakaroon ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo.

Irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ng inter-agency Development Budget and Coordination Committee (DBCC) na ituloy ang pagpapatupad ng second tranche ng excise tax sa petroleum products sa ilalim ng tax reform for acceleration and inclusion (TRAIN) law.

Bumaba na kasi ng 14 percent ang presyo ng Dubai crude oil na mula sa $79 per barrel at nasa $68 per barrel na lang ngayong Nobyembre.

Base din sa market projections sinabi ng komite na maaring sa pagpasok ng 2019 ay bumaba pa ng hanggang $60 per barrel ang halagang langis.

Ikinunsidera din ng economic team ang magiging epekto sa revenue at expenditures ng gobyerno kung isususpinde ang pagpapatupad ng excise taxes sa produktong petrolyo.

Sa pagtaya kasi, kung matutuloy ang suspensyon, aabot sa P43.4 billion ang magiging revenue loss ng pamahalaan sa loob ng 12 buwan.

Magugunitang sinabi ng economic team ni Pangulong Duterte na sususpindihin ang ikalawang bahagi ng excise tax matapos sumipa ang inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo noong mga nagdaang buwan.

Read more...