Mga flight na maapektuhan ng APEC, sa Clark na lang palapagin-Belmonte

 

Inirekomenda ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr na i-divert sa Clark International Airport ang mga commercial flight na hindi makakalapag sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Ito’y sa bunsod na rin ng kanselasyon ng mga airline company ng nasa daan-daang flights dahil sa nakatakdang Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Leaders Meeting sa susunod na linggo.

Ayon kay Belmonte, ang pag-divert ng flights sa Clark ay nagawa na noon pa, at uubra pa ring ipatupad ngayon upang hindi maabala ang mga pasahero at maapektuhan ang airline operations, partikular sa panahon ng APEC.

Punto pa ni Belmonte na sa maraming bansa sa mundo, hindi located ang paliparan sa “heart of the city” o kapital.

Ang mahalaga, ani Belmonte, ay makapag-provide ng maayos at efficient na shuttle services upang maibiyahe ang mga pasahero mula Maynila hanggang Clark at vice versa.

Dagdag ng Speaker, hindi naman malayo ang Maynila sa Clark dahil na rin sa road improvements na isinagawa noong mga nakalipas na taon.

Higit sa lahat, naniniwala si Belmonte na ang pag-divert ng flights sa Clark Airport ay magbubukas ng pinto para sa pagpasok sa bansa ng mas maraming turista at airlines, habang nireresolba ang decongestion sa Manila airports lalo na sa NAIA.

Read more...