Inaasahang bumagal ang inflation rate para sa buwan ng Nobyembre.
Batay sa pagtaya ng Department of Economic Research ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) posibleng umabot lamang sa 5.8 hanggang 6.6 percent ang inflation rate para sa buwang ito.
Matatandaang pumalo sa 6.7 percent ang inflation rate sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre na pinakamataas sa loob ng halos isang dekada.
Ayon sa BSP, ang pagbaba sa presyo ng langis, pagbabalik sa normal ng suplay ng bigas at paglakas ng piso ang dahilan ng pagbaba sa presyo ng mga produkto.
Bahagyang papawiin naman ng mas mataas na pasahe sa jeep at bus at pagtaas ng kuryente ang mga salik na nagpababa sa inflation.
Sinabi naman ng Department of Economic Research na tututukan ng BSP ang mga pagbabago sa ekonomiya at pananalapi ng bansa upang matiyak ang malagong ekonomiya.
Ang inflation rate para sa buwan ng Nobyembre ay ilalabas ng gobyerno sa araw ng Miyerkules, December 5.