Tiniyak na ng pamahalaan ng South Korea na gagawin ng kanilang bansa ang lahat upang hindi na maulit ang pagpapadala ng mga basura sa Pilipinas, bukod pa sa pakikipagtulungan upang mabawi ang naunang basurang dumating sa bansa.
Ayon kay Bureau of Customs (BOC) Spokesperson Atty. Erastus Sandino Austria, nagpadala na ng e-mail si Sunyoung Kim, Minister Counsellor ng Korean Embassy sa Port Collector ng Mindanao Container Terminal Subport upang maayos na maresolba ang isyu.
Dagdag pa ni Sandino, tiningnan na ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 10 ang mga shipment at nabatid na naglalaman ito ng household hazardous waste.
Dahil dito ay ipinag-utos na ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang malalimang pagsisiyasat tungkol dito.
Nais rin aniya ni Guerrero na maibalik sa lalong madaling panahon sa South Korea ang mga kargamento.
Matatandaang naka-consign sa Verde Soko Philippines Industrial Corporation ang mga shipment kung saan ang nakadeklarang laman ay mga plastic synthetic flakes.