Para kay Vice President Leni Robredo, “tagumpay ng bayan” ang naging hatol ng Caloocan Regional Trial Court Branch 125 sa tatlong pulis na responsable sa pagkasawi ni Kian Delos Santos.
Ngunit tanong ni Robredo, ilan ba sa libu libong pinatay sa “drug war” ng Duterte administration ang walang-sala tulad ni Kian.
Iginiit ng bise presidente na dapat ay maiimbestigahan ito dahil nagpapatunay umano ito na may malaking problema na kailangang ayusin sa kampanya kontra sa droga.
Dagdag ni Robredo, hindi nararapat na tanggapin na lamang ang madalas na ginagamit na rason ng mga pulis na “nanlaban” ang mga drug suspect.
Paalala ng pangalawang pangulo, kailangang sundin ang itinatakda ng Konstitusyon at mga batas sa pagpapatupad ng war on drugs, upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa pang-aabuso.
Sa ganitong paraan, ani Robredo, mabibigyan ng hustisya ang mga hindi makatarungang napaslang tulad ni Kian, at para maiwasan daw ang patuloy na pagpatay sa mga walang-sala.