Blangko pa ang mga otoridad sa motibo ng pananambang sa negosyanteng si Dominic Sytin sa Subic.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni SBMA Chairperson and Administrator Wilma T. Eisma na patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad at pangangalap ng ebidensya upang matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
Sinabi ni Eisma na nagpapatuloy din ang umiiral na lockdown sa buong freeport kasunod ng pagpatay sa 51-anyos na si Sytin.
Ayon kay Eisma, maging ang pamilya ni Sytin ay blangko at walang maisip na maaring dahilan ng pagpaslang sa biktima.
Mabuting tao kasi aniya si Sytin at wala ring alam ang mga kaanak nito kung mayroon siyang kaalitan.
Tiniyak naman ng pamunuan ng SBMA at ng PNP na mabibigyang hustisya ang pagkamatay ng negosyante.