(UPDATE) Ikinamatay ni Judge Wilfredo Nieves ng Bulacan Regional Trial Court Branch 84 ang pananambang sa kaniya ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki.
Ayon sa hepe ng Malolos police na si Supt. Erwin Tadeo, biglang pinagbabaril ang huwes ng dalawang suspek habang nakatigil ang sasakyan ni Nieves sa intersection ng Malolos Industrial Park sa kahabaan ng McArthur Highway ganap na alas 4:45 ng hapon ng Miyerkules.
Ayon sa mga testigo sa pangyayari, bumaba ang dalawang lalaki mula sa isang sasakyan na bumubuntot sa Toyota Fortuner ni Nieves at pinagitnaan ito at pinagbabaril ang biktima.
Agad bumalik sa sasakyan ang mga gunmen na nakatakip ang mukha at tumakas.
Dumating ang mga pulis at paramedics makalipas ang 20 minuto at kung saan idineklarang dead on the spot patay si Nieves dahil sa mga tama ng baril sa noo, leeg at katawan.
Sinusubukan nang kuhanin ng mga pulis ang CCTV footage na naka-install malapit sa pinangyarihan para makuha ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ani Tadeo, hindi pa alam ng mga imbestigador ang motbo sa pagpatay kay Nieves.
Si Nieves ang hukom na nagbigay ng hatol na 30 taong pagkakakulong sa isa sa mga pinuno ng sindikato ng carnapping sa Metro Manila at Central Luzon na si Raymond Dominguez noong April 2012.
Samantala, mariing kinondena ng Supreme Court ang pananambang kay Bulacan Regional Trial Court Branch 84 Judge Wilfredo Nieves.
Sa pahayag na inilabas ng Korte Suprema Miyerkules ng gabi, nanawagan sila ng agaran at mabilis na imbestigasyon sa nasabing pagpatay sa hukom.
Nanawagan ang Korte sa mga otoridad na gawin ang lahat upang agad na mabigyang hustisya ang kamatayan ni Judge Nieves.