Makatatanggap na ang pensioners ng Social Security System (SSS) ng kanilang 13th month pension mula sa araw na ito November 29.
Sa isang pahayag sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na naglaan sila ng P22 bilyon para sa bonus na ito ng kanilang 2.4 milyong pensioners.
Nasa 99.38 percent ang makatatanggap ng kanilang 13th month pension sa mga SSS-accredited partner banks habang ang natitirang 0.62 percent o higit 15,000 pensioners ay makatatanggap ng naturang cash benefit sa pamamagitan ng tseke.
Posible namang kasama na sa matatanggap ng pensioners ngayong araw ang December pension.
Tiniyak ng SSS na hindi lalampas ng December 7 ang pamamahagi sa 13th month pension.
Nauna nang sinabi ng SSS na sa ngayon ay matatag pa umano ang pananalapi ng SSS ngunit mas mataas na ang kanilang ibinibigay na pensiyon kaysa sa kanilang natatanggap na kontrobisyon.
Sa katunayan anila ay mula Enero hanggang Setyembre 2018 ay P134 bilyon na ang perang inilabas ng SSS para sa pensioners habang ang nakolektang kontribusyon ay umabot lamang sa P127 bilyon.
Resulta ito ng pagdagdag ng P1000 sa ibinibigay na pensiyon mula noong Enero.