Panukalang dagdag-sweldo sa gov’t employees lusot na sa 2nd reading sa Kamara

phl_congress
Inquirer file photo

Aprubado na ng kamara sa ikalawang pagbasa ang Salary Standardization Law o SSL 2015.

Sa botong viva voche (ayes o nays), nanaig ang mga bumotong pabor sa panukala.

Si dating Budget Secretary at ngayo’y Camarines Sur Rep. Ronaldo Andaya ang tumayong sponsor ng SSL 2015 sa plenaryo.

Ang mga tumayong interpellators naman ay sina Reps. Antonio Tinio, Jonathan Dela Cruz at Sandy Ocampo.

Sa kabila ng 2nd reading approval, hindi pa naaprubahan ngayong gabi ang SSL 2015 sa ikatlo at huling pagbasa dahil ayon kay House Majority Leader Neptali Gonzales II ay hindi pa sinertipikahan ni Pangulong Noynoy Aquino bilang urgent bill ang SSL 2015.

Nauna nang sinabi ng House leaders na kayang iratsada ang pagpapatibay sa SSL 2015 basta’t may sertipikasyon mula sa Presidente.

Ang SSL 2015 ay layong bigyan ng 14th month pay ang mga government officials at employees at dagdag sahod na hahatiin sa apat na taong implementasyon.

Nag-adjourn na ang sesyon at magbabalik sa November 23.

Walang pasok ang Kamara sa susunod na linggo dahil sa APEC leaders’ meeting.

Read more...