Sa pambihirang pagkakataon, isang dating Senador ng Estados Unidos ang dumulog sa Supreme Court para hilingin na ideklarang unconstitutional ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Si Mike Gravel na nagsilbing Senador ng Amerika mula 1969 hanggang 1981 ay naghain ng petition for intervention sa Korte Suprema kaugnay ng kaso ng EDCA.
Sa kanyang 16 pahinang petisyon, kung hindi man ideklarang unconstitutional, hiniling niya na atasan ng hukuman si Pangulong Aquino na idulog ang EDCA sa Senado para dumaan sa ratipikasyon.
Naniniwala si Gravel na nais lamang ng Amerika na gawing bala ang Pilipinas sa pagkompronta sa China dahil strategic ang lokasyon ng Pilipinas para magtayo ang Amerika ng military platform sa East Asia bilang paghahanda sa posibleng digmaan.
Tanong ni Gravel, bakit nanaiisin ng anumang bansa na malagay sa gitna ng dalawang nag-uumpugang makapangyarihang bansa.
Sakali umanong tuluyang sumiklab ang gyera, ang unang labanan ay magaganap sa Pilipinas kung saan mayroong pasilidad ang Amerika.
Tanong uli ni Gravel, ano ang posibleng pakinabang na makuha ng Pilipinas kung yuyukod ito sa kapangyarihan ng dayuhan?
Dahil dito, umaasa si Gravel na ang desisyong ipapalabas ng Korte Suprema ay pipigil sa planong pagpapalawak ng presensya ng Amerika sa Asya kung saan ang pinaka-base nito ay ipupuwesto sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.