Agad nakalusot at nakumpirma sa Commission on Appointment (CA) ang ad interim appointment ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Kalahating oras lang na tumagal ang confirmation hearing kay Locsin dahil walang kumontra sa kanyang appointment.
Nagsilbing kinatawan ng Makati City sa Kamara si Locsin at may tradisyon sa CA na hindi na pahirapan pa ang mga mambabatas na naitatalaga ng Malakanyang.
Gayunpaman ilang miyembro ng CA ang nagtanong pa rin kay Locsin ang mga isyu sa China lalo na ang sa agawan ng teritoryo.
Direktang sinagot naman ni Locsin ang tanong at aniya
isusulong niya ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng Coast Guards ng Pilipinas at China.
Pagdidiin pa nito hindi isusuko ang karapatan ng bansa sa mga pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea at ipaglalaban ng gobyerno ang pumabor sa Piliipinas na desisyon ng International Arbitral Tribunal.