Ilan pang bahagi ng katawan ng tao, narekober sa nasunog na pabrika ng Kentex
Nakarekober pa ang mga tauhan ng PNP Crime Laboratory ng ilang piraso ng katawan ng tao mula sa nasunog na pagawaan ng Kentex Manufacturing Corporation sa Bgy. Ugong, Valenzuela city.
Gayunman, ayon kay Police Sr. Supt. Emmanuel Aranas, Deputy Director ng PNP Crime Lab sa Camp Crame, hindi pa nila matukoy kung mula sa babae o lalaki ang mga nakuhang bahagi ng katawan noong Sabado.
Inamin ni Aranas na dinadahan-dahan nila, sa tulong ng City Engineering Office ng Valenzuela ang paghahanap dahil delikadong tuluyang gumuho ang pagawaan.
Magugunita na noong nakaraang linggo, sinabi ni Aranas na itutuloy nila ang paghahanap dahil may dalawa pang pamilya ang nagsabing nawawala ang dalawa nilang kaanak na nagta-trabaho sa pagawaan ng tsinelas.
Mayo 13 2015, biglang sumiklab ang sunog sa pabrika ng Kentex na ikinasawi ng 72 manggagawa at staff nito.
Sinasabing may dalawang pang biktima ng naturang sunog ang hindi pa rin natatagpuan batay sa pahayag ng kaanak ng mga ito. / Jan Escosio
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.