Body cameras ng PNP hindi pa nabibili

Inquirer File Photo

Ang mabilis na pagbabago sa teknolohiya ang dahilan kaya’t aabutin na ng isang taon na napapako ang pangako ng PNP na bibili ng mga body cameras para sa kanilang mga operasyon, lalo na sa kampaniya kontra droga.

Ayon kay Police Chief Supt. Benigno Durana Jr., ang tagapagsalita ng PNP, napakabilis ng mga pagbabago sa ‘technical features’ ng body cameras kaya’t ito ang kanilang pangunahing konsiderasyon.

Partikular na binanggit ni Durana ang internet connectivity ng mga body cameras dahil may mga bidders na nag-aalok ng 3G at LTE gayun may mga telcos na 5G na ang inaalok na internet service providers.

Magugunita na noong Enero inanunsiyo ni dating PNP Chief Bato dela Rosa na magiging obligasyon na ng mga police operatives ang body cameras para hindi sila pagdudahan na sadya nilang pinapatay ang mga suspected drug personalities.

Naglaan ang PNP ng P334 milyon para sa pagbili ng body cameras at ayon noon kay dela Rosa magagamit na nila ito sa buwan ng Hulyo.

Sa pakikipag-usap ng PNP sa 21 bidders sa kontrata, isinama sa mga kapabilidad dapat ng body camera ay ang ‘live video feed’ sa operation center.

Read more...