C.A pumagitna na sa gusot sa Smokey Mountain housing project
Ipinahinto na ng Court of Appeals (CA) ang mediation talks na iniutos nito sa pagitan ng National Housing Authority (NHA) at sa developer ng kontrobersyal na Smokey Mountain Project sa Tondo, Maynila.
Ito ay makaraang magbabala ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) na posibleng may anomalya sa P1.1 Billion na hinihinging claim ng RII Builders na developer ng planong pabahay sa Smokey Mountain noong 1993.
Kasabay nito, nagdesisyon din ang CA first division na ituloy na ang pagdedesisyon sa merito ng kaso.
Nabatid na naghayag na ng kahandaan ang NHA na bayaran ang hirit na kompensasyon ng RII Builders na higit P1 Billion sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang limang ektaryang bahagi ng property ng NHA sa Tondo sa nasabing developer.
Ang utos ng CA ay ibinaba sa harap ng gulo sa pagitan ng mga opisyal ng unyon ng NHA at mga senior executives nito na nananawagan ng pagpapatalsik kay NHA General Manager Marcelino Escalada na sinasabing kabilang sa grupo ng sinibak na si Housing & Urban Development Council Secretary General Falconi Millar.
Si Millar ay nahaharap na ngayon sa reklamo ng katiwalian matapos siyang sibakin sa pwesto ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo.
Nauna nang inirekumenda ng OGCC sa NHA na ipagpaliban ang mediation sa RII Builders matapos mapag-alaman sa rekord ng NHA Accounting Department at mula sa Commission on Audit na sumobra pa nga ng P300 Million ang kompensasyong naibayad na sa RII Builders.
Ang OGCC ang kumakatawan sa NHA sa mga kaso sa Court of Appeals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.