BIR: Kumpiskadong pekeng tax stamps sa sigarilyo hindi sa Mighty Corp.
Nilinaw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi pag-aari ng Mighty Corporation ang nakumpiskang kalahating milyong pakete ng sigarilyo na mayroong pekeng BIR stamps.
Sinabi ni BIR Commissioner Cesar Dulay na hindi Mighty Corp. ang may-ari ng mga kontrabando na nakumpiska sa magkakasunod na raid sa Caloocan at Quezon City noong weekend.
Ipinaliwanag ni BIR Strike Team Officer Sonny Advincula na may tatak na “Belmont” ang nasabing mga sigarilyo na may pekeng BIR stamps pero ito ay galing umano sa Mighty Corp.
Nauna dito ay nagbanta ang Mighty Corp. na sasampahan nila ng kaso ang mga BIR officials dahil sa pagsangkot sa kanilang pangalan sa nasabing anomalya.
Sa kanyang pahayag ay nilinaw ni Dulay na wala nang atraso sa pamahalaan ang Mighty Corp. makaraan itong magbayad ng kabuuang P30 Billion.
Ang nasabing halaga ay nagsilbing settlement sa kanilang pagkakautang ng buwis sa pamahalaan.
Noong taong 2017 ay naibenta na ang Mighty Corp. sa isang Japanese Tobacco Inc. Sa halagang $1 Billion.
Naganap ang nasabing transaksyon ilang buwan makaraan silang kasuhan ng tax evasion ng pamahalaan.
Bahagi ng napagbentahan ang ginamit ng Mighty Corp. para bayaran ang utang na buwis sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.