Nagpasabi na ang kampo ni dating unang ginang at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa Sandiganbayan na dadalhin nito sa Supreme Court ang hatol laban sa kanya.
Base sa dalawang pahinang notice of appeal na inihain ng mga abogado ni Marcos sa 5th division ng anti-graft court, hiniling nito na ipadala sa SC ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa kanyang kasong graft na pinagpasyahan ilang linggo na ang nakalipas.
Katwiran ng kampo ng dating unang ginang hanggang sa ngayon ay wala pa ring desisyon ang mga mahistrado sa kanilang motion for leave to avail post-conviction remedy na dininig noon pang November 16.
Kahit pa anila boluntaryong isinurender ni Marcos ang kaniyang sarili sa Sandiganbayan at naglagak ito ng P150,000 na pyansa sa hindi niya pagsipot sa kaniyang promulgation.
Nauna ng hinatulan si Marcos ng Sandiganbayan sa kaniyang pitong kaso ng katiwalian na may kaugnayan sa mga kontrobersyal na Swiss foundations.