Philippine Boxing Commission ipinanukala ni Cong. Monsour Del Rosario
“Marami ang nangangarap na masundan ang yapak ni Manny Pacquiao”—ito ang sinabi ni Congressman Monsour Del Rosario sa pagpupulong ng House Committee on Games and Amusement tungkol sa panukalang Philippine Boxing Commission.
Ang naturang panukalang batas ay naglalayong kapakanan at seguridad ng mga boksingero at ng larong boksing sa kabuuan na isa sa mga larangan sa palakasan na bantog ang bansa sa mundo.
Ani Del Rosario, kailangan ang isang Philippine Boxing Commission upang mas maging propesyunal ang trato sa mga boksingero at upang mas mabigyan ng direksyon at gabay ang mga nais na sumunod sa karera ng isang tulad ni Pacquiao.
Ngunit ani Del Rosario, hindi lahat ay kasing palad ng Pacquiao at nagiisa lang ang tulad ng tinaguriang Pambansang Kamao. Paliwanag pa ni Del Rosario, “ang kailangan ay makapaglatag ng mga programang magsisiguro na ang mga Pilipinong boksingero na lalaban para sa bansa at sa bandila ay mabibigyan ng sapat na suporta.”
Sa mataas na kapulungan ng kongreso ang panukalang Philippine Boxing Commission ay pet bill ni Senator Manny Pacquiao, Ito ay ang Senate Bill 1306 o ang Philippine Boxing and Sports Commission Act of 2018.
Sa Kamara, si Del Rosario na isa ring world champion sa larangan ng taekwando at maituturing na isa ring sports icon ang isa sa mga masigasig na tagapagtaguyod ng naturang panukalang batas.
Si Del Rosario ay kandidato bilang bise alkalde sa lungsod ng Makati katambal si Junjun Binay na nais magbalik bilang alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.