Unang-una, naging “missile capable” ang AFP matapos ang matagumpay na testing ng Spike-ER (Extended range) surface to surface missile system ng Philipiine Navy sa Lamao Point Bataan.
Ito’y nabili natin mula sa RAD Ltd. ng Israel. Sinubok din ang “rocket equipped” na helicopter at ang “mini typhoon machine gun system” ng isang multi-purpose attack craft sa dagat.
Ibig sabihin, meron nang K ang militar ngayon na labanan ang mas malalaki at modernong mga sasakyang pandagat na dati’y labas masok sa ating teritoryo.
Sa madaling salita, ito ang katuparan ng matagal nating panaginip na “minimum defense capability” upang protektahan ang ating karagatan at buong bansa laban sa mga panlabas o panloob na kalaban.
Sana magkaroon na rin tayo ng sariling submarine at mga anti-submarine helicopters.
Congrats AFP at Pres. Duterte!
Meron na tayong 3rd telco at ito’y ang Mislatel at ang kasosyo nilang China Telecom ang dineklarang panalo ng National Telecommunications Commission.
Ika nga, tapos na ang drama ng mga natalong bidder. Tapos na rin ang tinatawag na “telco-serye” na binubuo ng mga TRO, kaliwat kanang press conferences na disgustado sa desisyon ng NTC.
Ngayon dapat mag-focus ang lahat sa pangakong mas magandang serbisyo sa telekomunikasyon ng Mislatel-China Telecom.
Sa Unang taon, gagawin daw nilang 27 mbps ang bilis ng internet at sa ikalawa, ito’y magiging
55 mbps na halos kapareho na ng Singapore. Sa ngayon kasi, ang Globe at Smart ay parehong 10mbps lamang ang kanilang “basic packages”.
Kung mabigo ang Mislatel sa mga pangako , babawiin ng NTC ang “frequency” at kokolektahin din ang P14-bilyong “performance bond”.
Tingnan natin kung kaya nga ito ng Mislatel-China Telecom.
*****
Bigtime rollback na naman ngayong linggo sa mga produktong langis. P2.30/L sa diesel, P1.10/L sa gasolina at P2.30/L sa kerosene.
Wala nang masasabi rito ang mga jeepney at bus drivers dahil tuluyan nang bumaba ang presyo ng diesel dito sa Metro Manila at karating kalawigan.
Doon nga sa Bulacan, nasa P36-38/L lang ang presyo ng diesel. Kung idaragdag ang panibagong rollback, ito’y papalo na sa P34/L.
Isama pa natin ang dati nang mga “diesel discounts” na P2/L na binibigay ng ilang malalaking oil companies sa mga jeepney drivers.
Dito, dapat lang ibalik sa P8 ang minimum fare sa jeepney at isama na rin ang mga singil ng mga “tricycle drivers”.
Attention LTFRB Marting Delgra , kanselahin na agad ang binigay na provisional fare na P10 at gawing P8 n agad-agad.
At kayong mga city mayors at municipal mayors na may poder sa pamasahe sa inyong mga tricycles, kumilos na kayo.
Huwag hintaying magalit ang mga commuters sa inyo lalot tatandaan nila ang katamaran nyo sa nalalapit na eleksyon.’
Inuulit ko ang panawagan lalo na doon sa mga biyahero ng gulay, baboy, manok at bigas sa mga palengke, magbaba na kayo ng inyong mga presyo. Nakakahiya na kayo.
Huwag nang hintaying makasuhan kayo ng “profiteering”. Tandaan niyo, may kulong iyan.